ni Efren R. Abueg
               KAPAG  napag-usapan 
kung  ano ang  ating 
wikang  pambansa, sasabihing ito'y
Tagalog, Pilipino o Filipino.  Makikilala
sa mga sagot na ito ang oryentasyon sa wika ng mga mamamayang  Pilipino. 
At  kung  masagot namang  Filipino 
ang  wikang  pambansa 
natin, hindi  naman  ito 
mabigyan ng angkop na 
depinisyon.  Tutoo  ito maging 
sa maraming  gradwado sa kolehiyo
at unibersidad.   Dulot ito  ng 
pagbabago  sa ating mga wika
at  upang 
hindi  maiwanan, tungkulin ng
bawat isa na sumubaybay sa mga pagbabagong ito.
               Ganito  ang 
nakasaad na probisyon (Artikulo 
XIV)  ukol  sa wikang 
pambansa  sa Konstitusyon ng
Republika  ng  Pilipinas 
na pinagtibay sa isang plebisito noong 1987:
               "Seksyon  6 
(Anim).  Ang wikang pambansa  ng 
Pilipinas  ay Filipino  (amin ang salungguhit).  Samantalang nalilinang, ito ay dapat
payabungin at pagyamanin pa salig sa umiiral na mga wika ng Pilipinas at sa iba
pang mga wika (dayuhan)."
               "Alinsunod sa
mga tadhana ng batas at sang-ayon sa nararapat na maaaring ipasya ng Kongreso,
dapat magsagawa ng mga  hakbangin
ang  Pamahalaan upang ibunsod at
puspusang itaguyod ang  paggamit ng  Filipino bilang midyum ng opisyal na
komunikasyon  at  bilang 
wika ng pagtuturo sa sistemang pang-edukasyon."
               "Seksyon  7 (Pito). 
Ukol sa mga layunin ng komunikasyon 
at pagtuturo,  ang  mga wikang opisyal ng Pilipinas ay  Filipino 
at hangga't walang ibang itinatadhana ang batas, Ingles."
               "Ang mga wikang
panrehyon ay pantulong na mga wikang panturo roon."
               "Dapat  itaguyod 
nang  kusa  at 
opsyonal  ang  Kastila 
at Arabic."
               "Seksyon 8
(Walo).  Ang Konstitusyong ito ay dapat
ipahayag 
sa  Filipino at Ingles at dapat
isalin sa mga pangunahing  wikang
panrehyon, Arabic, at Kastila."
               "Seksyon  9 (Siyam). 
Dapat magtatag ang Kongreso 
ng  isang komisyon ng wikang
pambansa na binubuo ng mga kinatawan ng 
iba't ibang  mga rehyon at mga
disiplina na magsasagawa, mag-uugnay  at
magtataguyod ng mga pananaliksik para sa pagpapaunlad, pagpapalaganap at
pagpapanatili (preservation) sa Filipino at iba pang mga wika."
               Malinaw  sa 
unang pangungusap ng Seksyong Anim 
na  "narito  na", 
umiiral na ang Filipino.  Tatlong
komisyoner  ng  Komisyong Konstitusyonal  (Concom) 
ang   nagbigay-linaw  sa 
katangian  ng Filipino  bilang 
wikang  pambansa.  Sa katitikan 
ng  pulong  ng 
subkomite sa wika ng Concom noong Setyembre 10, 1987, ganito  ang 
salin ng kanilang palitan ng mga pangungusap:
               "Komisyoner  Wilfrido Villacorta:  Ito po ang isang  umiiral na wikang pambansa, at ang nukleo
nito ay Pilipino...sapagkat ito ay 
isa  nang  malaganap na umiiral na wika, na  Pilipino 
na  P.  Sinabi rin natin na mayroong isang wikang
umiiral na pinalawak at pinaunlad  na
tinatawag na Filipino at ang pormalisasyon nito 
ay kailangang isagawa sa sistemang pang-edukasyon at iba pa, subalit
hindi nangangahulugan na dahil hindi pa ito pormalisado ay  hindi umiiral.  Ito ay isang lingua franca."
               "Komisyoner  Ponciano Bennagen:  Kailangan nating  magkaroon ng 
isang  midyum ng komunikasyong
magbibigkis sa atin at iyon ay 
ang Filipino, na binigyang-kahulugan ng isang pangkat ng mga 
pantas  sa  wika 
at  mga  organisasyong 
pangwika  bilang  isang lumalawak na bersyon ng Pilipino."
               "Komisyoner  Francisco 
Rodrigo:  Itong  Filipino 
ay  hindi isang  bagong 
kinatha o kakathaing lenggwahe. 
Ito ay  batay  sa Pilipino. 
Palalawakin lamang ang saklaw ng Pilipino.  Kaya nga't ang  Pilipino 
ay batay sa Tagalog, at ang Filipino ay 
batay  sa Pilipino."
               Binigyan din nila ng
historikal na perspektiba ang Filipino. 
Binanggit  ni  Rodrigo 
na "ang Pilipino ay 
batay  sa  Tagalog", samantalang sinabi naman ni
Bennagen na " ang 
Pilipino....bilang isang 
lumalawak  na bersyon ng
Filipino."  Mula kay  Rodrigo 
na 
sinabing  "Itong Filipino ay
hindi isang bagong kinatha o 
kakathaing  lenggwahe"   hanggang 
sa  winika  ni 
Villacorta  na "subalit hindi
nangangahulugan na dahil  hindi pa ito
pormalisado ay  hindi  ito 
umiiral."  At ipinanghuli
niya:   "Ito  ay 
isang lingua franca."  
Kaya  mula sa Tagalog (sa panahon
ng  Pangulong Quezon)  hanggang 
sa Pilipino (sa panahon ni Kalihim 
Romero  ng Edukasyon)  hanggang 
sa  Filipino  (sa 
panahon  ni   Presidente Aquino), nakumpleto ang ebolusyon
ng wikang pambansa.
               Ngunit  hindi maaaring simplistikong depinisyon
ng  Filipino ang sumusunod:  isang wikang nagkakatawan (nagkaroon ng  katawan) sa Tagalog, yumabong sa Pilipino at
namulaklak at nagbunga bilang Filipino.
               Mahalaga ang sinabi
ni Komisyoner Villacorta na isang lingua franca ang Filipino.
               Ano ba ang
"lingua franca"?  Saan ba ito
nag-ugat?   
               May isang kolokyal na
wikang  ginagamit sa Silangang rehiyon ng
Mediterranean mula sa Kanlurang Gresya 
hanggang sa  Kanlurang Ehipto   noong Edad Media at Renaissance na batay sa
Italyano  at masustansiyang  nasangkapan ng pinaghalu-halong Arabic,  Pranses, Kastila,  Griyego 
at iba pa.  Dahil ang
Mediterranean  ay  isang mundo ng kalakalan, gaya ng matuntunton
sa kasaysayan, sa  lingua franca  (common language)  nagkakaintindihan ang mga tao roon  na may 
sari-sariling inang wika. 
Gayundin naman na  lingua  franca 
ang  bahasa Indonesia na
batay sa isang lokal na wika ng 
kalakalan  sa  Java 
at iba pang mga lugar na sa 
isang  anyo  ng wikang 
pidgin nagsasalita at nagkakaintindihan  ang 
populasyong  iba't iba rin ang
ginagamit na wika.
               Dalawang  dekada 
bago  ideklara  ang 
batas  militar,   ang katiyakan  ng depinisyon ng wikang pambansa ay  nalalambungan 
ng mga  paratang  na 
ito  ay  purong 
Tagalog  dahil  marahil  
ang sinusunod  na gramar nito  ay Ang Balarila ng Wikang Pambansa  ni Lope 
K.  Santos na binuo pa noong
1940.  Sa 
paunang  salita  ni Santos 
sa kanyang balarila, hiningi niyang pasukan ng  pagbabago ang kanyang aklat pagkaraan ng
sampung taon.  Hindi nangyari  ang mga 
pagbabago  sa balarila.  Sa halip, ginawang  icon  
ang  mga katangiang   pangglinggwistiks,  panlipunan, 
pang-edukasyon   at
pagkamakabayan  ng wikang Tagalog.  Sa halip na payabungin   dito ang developmental na mga katangian ng
wika,  binigyang-prestihiyo ito  sa 
pamamamagitan  ng pangangatwirang
sapat  na 
ang  angkin  nitong bokabularyo na may naasimilang mga
salitang Malay,  Hindi, Arabic, Kastila
at iba pang mga "contact language". 
               Noon  pang 1965, iginiit na ni Geruncio
Lacuesta   na  hindi "Pilipino"   kundi 
"Filipino"  ang  dapat 
idevelop  na   wikang pambansa.  Kaiba sa "Pilipino", na ayon sa
kanya ay Tagalog,  ang "Filipino"  ay 
isang wikang base sa "mixed Tagalog"  ng 
Maynila (Katas, 1965: 44-45). 
Naiba rin ang alpabeto nito sa balarila ni Lope  K. 
Santos   dahil ginagamit nito
ang  lahat  ng 
letra  ng alpabetong Kastila
kasama na ang c, ch, f, j, ll, n, q, rr, v, x, 
z.   Sa  panghihiram sa ibang mga wika,  pananatilihin 
nito  ang orihinal na anyo ng
hinihiram na mga salita hanggang mismong 
ang publiko  na ang magbago ng
ispeling sa pamamagitan ng 
pang-araw-araw na paggamit ng mga ito. 
               Sa  dekada 
sisenta rin nagmungkahi sina Leopoldo 
Yabes  at Ernesto Constantino ng
U.P.  ng paggamit ng "universal  approach" sa  pagdevelop 
ng  wikang pambansang  tinawag 
nilang  Filipino.  Hiningi 
nila na ang wikang pambansa ay ibatay sa mga umiiral  na wika 
sa Pilipinas sa halip na sa Tagalog lamang.  Sinipat 
naman ng  mga partisan sa Tagalog
na ang "paraang unibersal"  ay  isang "sangkutsadong  paraan" 
ng pagdevelop ng wikang 
pambansa  dahil ipinapalagay   na 
hihingin  ng  mga 
rehiyon  na  takalin  
nang  proporsyonal  ang kontribusyong  bokabularyo 
mula sa wika ng mga etnikong grupo. 
Sa Konstitusyon ng 1973 nagkaroon ng puwang ang 
mungkahi ng dalawang linggwist ng Unibersidad ng Pilipinas  nang 
aprobahan  ng mga delegado na
pagtibayin ang  probisyon na   "Ang Batasang Pambansa ay gagawa ng mga
hakbang tungo sa pagdevelop at pormal 
na  pag-adap  ng 
isang  komon  na 
wikang  pambansa   na 
kikilalaning  Filipino  "(salin 
ni  Constantino).   Ganito  
ang suportang  natanggap  ni Constantino at mga kasama nila  mula 
sa sinabi ng  sub-komite sa wika
ng Concom:
               "Gaya  ng nadiskas na ng lahat at batay sa naipakita
sa  mga hiring  na publiko na ginawa ng inang Komite sa
Wikang  Pambansa, ang isang komon na
wikang pambansa ay mahusay at madaling mabubuo 
sa  paraan  na 
tinawag  ng  mga 
linggwist  at  ng 
kasalukuyang Department ng Linggwistiks ng Unibersidad ng Pilipinas na
PARAANG UNIBERSAL,  (na  ang) gustong sabihin, pagbuo ng isang  komon 
na wikang  pambansa  mula 
sa mga nabubuhay na 
katutubong  wika  at dayalek sa Pilipinas " (salin ni
Constantino).
               Nagpatuloy   ang 
kontrobersyal  na  pagtatalo  
sa   wikang pambansa at "
walang anumang mahalagang ginawa ang gobyerno, 
ang Batasang  Pambansa, o ang
Surian ng Wikang Pambansa" 
ukol  dito.  Kahit inilunsad ang sampung taong programang
baylinggwal sa antas tersyarya, ang ipinatuturo, ayon kay Constantino ay  Pilipino 
pa rin dahil "fictional language" pa lamang ang Filipino.
               Sa pagkadeklarang Filipino
na ang wikang pambansa noong  
1987,  nalagay sa katayuang
"panalo-panalo" ang 
nagtutunggaliang  mga grupo.  Ang partisan sa "Pilipino" ay
natuwa dahil kinilalang  ito ang nuklyus
ng Filipino, samantalang ang nasa kabilang 
panig naman  ay  nasiyahan 
din  dahil "iba ito sa
Pilipino".  Para  sa kanila, 
ang  wikang  Filipino 
ay  "isang  tunay, 
natural,   at dinamikong  wika 
na  ginagamit at  naiintindihan 
ng  karamihang Pilipino  sa buong bansa mula sa iba't  ibang 
etnolinggwistikong grupo".   
               Sa dakong ito,
maibibigay ang depinisyon ng Filipino 
bilang "isang pambansang linggwa franca na tunay, natural at  dinamikong wika  na 
ang  nuklyus ay Pilipino at
dinidevelop  batay  sa  mga
umiiral na katutubong wika at dayalek, gayundin sa iba pang mga 
wika." 
               Hindi  pa  rin
natapos ang pagtatalo ukol  sa  kalikasan 
ng Filipino.   Kahit waring
tinanggap na ang Filipino bilang 
wikang pambansa, sinasabing ito pa rin ay Tagalog (ayon sa mga  Cebuano, iba 
pa).   May  mga taga-Katagalugan  na 
nagsasabing  "talagang
Tagalog   naman  " 
ang  Filipino.   May 
nagsasabing   ito    ay "liberalized Tagalog-based Pilipino"
(Sicat).
               Si  Dr. Rosario E. Maminta, isang komisyoner ng
Komisyon  sa Wikang Filipino ang
naglinaw  sa mga  pagsipat na ito sa Filipino
at  nagsabing  hindi lamang sa sintax at lexicon  ibinabatay 
ang pagkakaiba ng Tagalog at Filipino . 
Ayon sa kanya, dapat tingnan ang 
panlipunang gamit ng wika, na sa kasong ito ay Tagalog.   Sa simula'y 
pinapel ng Tagalog (sa ngalang Wikang 
Pambansa,  circa 1940)  ang pangangailangan ng isang koda bilang
isang simbolo  ng pagkakaisa, gayundin
ang isang malawak na wika (lingua franca) ng panggitnang-uri  ( 
sa  sentro  ) sa domeyn 
ng  masmidya  at  sa 
edukasyon  na  maaaring 
madevelop  bilang  wikang 
pambansa   sa layuning
pangkomunikasyon.  Ngunit sa pagharap ng
wikang pambansa sa   mga   pangangailangang  pangkomunikasyon   ng 
mas  maraming rehiyon,   okupasyon,   
mga   uring  panlipunan, 
pati   na   ng pamahalaan,  edukasyon, 
pambansang sining  at  kultura,  
naging malaki at masalimuot na ang papel nito.  Hinihingi ang 
pagbabago ng anyo ng wika--sa istraktura, sa bokabularyong hiniram
para  sa 
mga katawagang pangsiyentipiko at para sa mga bagong konsepto; sa 
asimilasyon ng mga pansimulang mga salita, gayundin ng mga  inimbento.   
               Kung nagampanan ng
Tagalog ang mga pagbabagong ito sa  wika,
matatanggap na ang Filipino ay walang iba kundi ang  "liberalized Tagalog-based
Pilipino" na sinasabi ni Sicat. 
Masuwerte rin  ang Tagalog   (wika) 
dahil  sa   hatid 
na  mga  salik 
na    sosyo-linggwistiks   tulad ng mga sumusunod:  nasa sentro 
ito,  narito ang  Tagalog nang mangailangang magkaroon ng
batayan  ang  wikang pambansa,  at 
wika  ito  ng 
mga   naunang  dominanteng 
uri  sa kabuhayan  at 
prestihyo sa lipunan ( hindi kasama rito 
ang  mga uring   wikang 
Espanyol  ang  sinasalita).    Hindi  
maiiwasang 
lumaganap  ito,  dahil 
sa edukasyon  at  migrasyon 
ng  maraming
etnolinggwistikong  grupo   patungo sa sentro.  Ang 
mga  grupong ito,  na 
magsasalita na haluang  katutubong
wika  at 
natutuhang wika  (Tagalog)  ay lilikha ng mga bagong  istraktura 
at  bagong bigkas gayundin ng mga
salitang magmumula sa kanilang inang 
wika at iba pang natutuhang wika. 
Magkakaroon ng iba't ibang varayti, istilo at rehistro  ang Tagalog na maaaring tawaging mga gamiting
dayalekto o functional dialect. 
Kung gayon ay maaaring  itanong:
Ang  istandard  ba ng mga dayalektong ito ang  maaaring 
tawaging Filipino?     
Hindi.    Ipinahiwatig   ni  
Dr.    Maminta    na sosyolinggwistiks  lamang ang pagkakaiba ng Filipino sa  Tagalog. 
Sinabi  niyang  ang isang ganap na (kumpletong)  wika 
(tulad  ng Tagalog)  ay  may
istilong pormal at impormal, may punto 
at  mga 
rehistrong pang-okupasyon, ngunit hindi natatapyasan o 
nababawasan ang kabuuan nito.  
               Hindi   sang-ayon  
si  Dr.  Isagani  
Cruz    sa   ganitong 
panglinggwistiks   na  pananaw  
(  sinabi  niyang  
hindi   siya linggwist).   Tinalakay niya sa isa niyang   artikulong 
pangwika ang  istraktural na
pagkakaiba ng Filipino at Tagalog.  
Sinaklaw ng   kanyang   pagtalakay  
ang   sintaks,   leksikon,  
panlapi, pagpapantig, paggamit ng pandiwa, iba pa.  
               Halimbawa'y   ang 
mga  ganitong   pangungusap:    FILIPINO: 
Magiging  boluntaryo  ang  pagturo  sa 
Filipino./  TAGALOG:  Ang pagtuturo 
sa Filipino ay (magiging) kusang-loob.   Pansinin 
ang kaayusan  ng pangungusap
(sintaks).  Makikita ang paggamit ng  ay 
(pananda  sa  ayos 
ng pangungusap)  sa  pangungusap 
na  Tagalog samantalang wala naman
ito sa pangungusap na Filipino.  
Pansinin din  ang hindi pag-ulit
ng unang pantig ng turo. 
Gayundin  naman ang  leksikon 
na  kusang-loob  sa 
pangungusap  na  Tagalog  
na napalitan ng boluntaryo 
sa pangungusap na Filipino.
               Kahit sa paggamit ng
panlapi, ayon kay Dr. Cruz,  nagkakaiba
ang   dalawang  wika.  
Sa  Tagalog,  madalas 
gamitin   ang   um samantalang  sa 
Filipino (lalo na sa mga 
di-Tagalog),  mag  ang karaniwang ginagamit.
               Ganito  rin 
ang sinabi ni Dr. Consuelo Paz 
sa  isa  niyang papel. 
Yaong nagsasalita ng pambansang lingua franca  (Filipino) 
ay  nakakapagkontribyut  nang hindi nila namamalayan ng mga 
katangian  ng  kanilang inang wika, kaya sa Cebu,  maririnig 
ang Magkain  na tayo o  Bawal mag-ihi dito o  kaya'y Hwag ka  iingay. Pansinin ang ginamit na mga
panlaping mag at i.
               Maging sa panghihiram
ng mga salita ay makiling ang Filipino sa panghihiram sa Inggles
samantalang  sa Kastila nakasandig  ang Tagalog.  
Natural lamang ito sa kasaysayan dahil ang mga  bagong gamiting  salita 
ng  dominanteng  nakaiimpluwensiyang  wika 
ang pumapasok   sa   bokabularyo 
ng nanghihiram  na  wika.  
Ngayon, maraming  salitang  nakabatay o hiniram sa Kastila ang  hindi 
na naiintindihan  ng kabataan
dahil hindi na nila  pinag-aaralan  at ginagamit ang Espanyol.
               Sa  hulihan 
ng kanyang pagtalakay, sinabi  ni
Dr.  Cruz 
na hindi siya naniniwala sa konklusyon ng pag-aaral ni Dr. Fe Otanes
(dating  bise-presidente ng PNU) na
magkapareho ang  Filipino  at Tagalog 
sa punto ng "istruktura at balarila".    Magkapareho 
ng pananaw    sa    paksang  
ito   sina   Dr.  
Otanes    at    Dr. Maminta--sosyolinggwistiks  lamang ang pagkakaiba ng  Tagalog 
sa Filipino.   Mismong sa Tagalog
Reference Grammar ni  Dr.  Otanes, ayon pa kay Dr. Cruz, ang
inilalarawan (nito) ay Filipino.
               May  sinabi rin si Dr. Lourdes S. Bautista,  isang 
kilalang linggwist ng De La Salle University  na ang Filipino ay dayalekto lamang  ng 
Tagalog.   Bilang pantulong  sa 
kanyang  pananaw  na magkaiba 
ang Tagalog at Filipino, sinabi ni Dr. Cruz  na  
hindi 
problema ito (na nagsimulang dayalekto ng Tagalog ang Filipino).  
Sa  kasaysayan  nga naman ng development ng  wikang 
Inggles  (sa England),  ang  East  Midland ay nagsimulang  dayalek 
lamang  ng English  noong ito'y ginamit ni Chaucer .  Nang malaon, ang  East Midland  
(na  ginamit ng iba pang mga
manunulat) ang  umiral  at lumaganap 
na wika.   Nawala ang dating
Englisc.  Ganoon din  daw ang development ng Filipino.
               May  ganitong 
pagbabago  sa komunikasyon  ng  mga  etnikong grupong may kani-kanyang inang
wika.  Kapag magkakalapit ang  mga ito ng mga pook-tirahan, ang tendensya ay
hindi lamang  magsalita ang  mga 
grupong ito ng kani-kanilang katutubong wika  kundi 
ng isang  panrehiyong lingua
franca  dahil kailangang magkaroon  ang mga 
ito ng isang kumbinyenteng wika ng komunikasyon.    Ito 
ang dahilan  kung  bakit 
sa  Hilagang  Luzon, 
Ilokano  ang   wikang sinasabing dominante;  sa Gitnang Luzon at mga kanugnog-lalawigan
hanggang   ilang bahagi ng  Bikol, Tagalog ang namamaibabaw;   sa Silangan 
at  Kanlurang  Kabisayaan, Cebuano  at 
Hiligaynon  ang karaniwang
maririnig;  sa mga kapuluan ng Sulu,
ginagamit ng  mga Muslim  na  may
sinasalitang iba't ibang inang wika 
ang  Tausog.  Kapag lumampas ang mga ito sa hangganan ng
kanilang rehiyon, alam nilang 
maiintindihan  sila  kapag nagsalita  sila 
sa  Filipino.  Dahil 
sa mabilis na mga pasilidad ng masmidya, hindi  maiiwasang maging  pambansang lingua franca ang Filipino  dahil 
nagsisimula 
ang mga ito sa Sentro (Metro Manila).
                Para 
sa  kapakanan ng mga
mag-aaral  ng  wikang 
pambansa, narito  ang  "working 
description" ng  
Filipino  na  inisyu 
ng 
Komisyon sa Wikang Filipino (1992):
               "Ito ang katutubong
wikang sinasalita at isinusulat sa Metro Manila,  sa National Capital Region, at sa iba
pang  urbanisadong sentro  ng 
kapuluan na ginagamit na midyun 
ng  komunikasyon  ng iba't 
ibang  etnikong grupo.  Tulad ng alinmang buhay  na 
wika, nadidevelop  ang Filipino sa
pamamagitan ng panghihiram  mula  sa wika 
ng  Pilipinas  at ng ebolusyon ng iba't  ibang 
varayti  ng wikang  angkop 
sa mga sitwasyong panlipunan ng mga 
grupong  may iba-ibang  kinagisnang lipunan at para paksa ng
pag-uusap at  mga pangdalubhasaang
pagtalakay."
               Marahil, sa ganitong
pagkakaiba sa pananaw (at pamamaraan ng pag-aaral),    tingnan 
naman  natin  ang 
sinabi  ng  isa  
pang linggwistang dayuhan (Sapir: 1921, 150):
               Language moves
down time in a current of its own making. 
It has  a  drift. 
If there were no breaking up of a 
language  into dialects,  if each language continued as a  firm, 
self-contained unity,  it  would 
still  be  constantly 
moving  away  from 
any assignable norm, transforming itself into a language as different
from its starting point as to be in effect a new language.
               Pasalitang  wika 
ang karaniwang batayan  ng  pagsusuri 
(ng pagbabago) ng wika. 
Kailangang pag-aralan ang mga pagbabago sa 
pagbigkas, kayarian ng pangungusap, ginagamit na lexicon, at  iba pang aspekto ng wikang hindi masasalamin
sa pasulat na wikang 
pinag-aaralan.   Sa  ganitong panuntunan, ang  mga 
nag-aaral  at obserber sa
development ng  wika (hindi kailangang
maging  linggwist)  ay 
makakasubaybay sa nagbabagong katawan at 
kaluluwa  ng Filipino.
                                                            MGA
SANGGUNIAN
               Bautista,  Ma. 
Lourdes  S. 1996.   Readings 
in  Philippine Sociolingustics.  Manila: 
De La Salle University Press.
               Fortunato,  Teresita F. at Valdez, Stella S. 1995.  Pulitika ng Wika. Maynila:  De La Salle University Press.
               Mcfarland,   Curtis 
D.  1980.  Linguistic 
Atlas   of   the 
Philippines.  Tokyo.  Institute for the Study  of 
Languages  and Cultures of Asia
and Africa.
               Paz,  Consuelo 
J. "Tne National Lingua 
Franca  for  People Empowerment"  The Philippine Star (Agosto 19, 1998).
               Pei,  Mario. 1965. 
The Story of Language.  
Philadelphia  & New York: J.
B. Lippincott Company.
               Sapir,  Edward. 1921. Language.  New York: 
Harcourt,  Brace and Company.
               _____________.  1996. Mga Tanong at Sagot Tungkol sa  Wikang Filipino.  San Miguel, Maynila:  Komisyon sa Wikang Filipino.
               ____________.  Agosto, 
1965 Katas.  Pambansang  Binulan 
sa Filipino at English.
               *  KAMALAYAN (publikasyon ng Graduate
School  of  Education. Arts and Sciences, DLSU_Dasmarinas)
Enero 1999
 
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento