ni
Efren R. Abueg
SA
paglabas ng bagong libro ni Luis Camara Dery, PhD, historyador at pangunahing
propesor sa De La Salle University-Manila, isang lumang pambansang isyu ang
nahalungkat sa mga pahina ng kasaysayan. Ang pamagat ng libro : Makatang Mandirigma, Mandirigmang Makata na lathala ng
Bahay-Saliksikan ng Bulacan (2009) na
nakabase sa Bulacan
State University .
Ang
pambansang isyu: Si Benigno Ramos ba, ang sentrong paksa ng libro ni Dr. Luis Camara
Dery, ay nagtaksil sa bayan? Ano ang mga nangyari at naparatangan siyang gayon?
Sino
si Benigno Ramos?
Siya
ay pangunahing makata noon ,
naging personal na sekretaryo ni Presidente Manuel L. Quezon (1928); naging pulitiko
bilang halal na senador ng Pambansang Asemblea, at ayon sa naunang kritiko sa
Panitikang Tagalog na si Julian Cruz Balmaceda ay “mananalumpati, mamumuna
(kritiko), mamamahayag (peryodista).”
Isinilang
siya sa nayon ng Taliptip sa Bulakan, Bulacan noong Pebrero 10, 1893.
Sinasabing ilang araw siyang nakapikit
pagkasilang dahil nagkataong karatig-nayon nila ang Parian (o lugar ng mga
Intsik) na ngayo’y nayon ng Sta. Ines. May napaglihihan kayang Intsik ang kanyang
ina?
Hindi
man mayaman, nakapag-aral si Benigno
Ramos hanggang pitong baitang sa Mababang Paaralan ng Bulakan. Sapat na noon ang makaabot sa gradong iyon
para maempleo siyang kawani sa pamahalaang-bayan ng Malolos hanggang sa makapagturo
siya sa Pandi, Bulacan. Naakit siyang magsulat
na malaon ay nagtulak sa kanya para lumuwas ng Maynila at mamasukan sa mga
pahayagan. Naging kawani naman siya ng pahayagang El Ideal. Naging tagasalin din siya sa wikang Tagalog ng mga akdang
Kastila at Ingles.
Sa
pagsusulat nakilala si Benigno Ramos ni Manuel L. Quezon na noon ay pangulo ng Senado ng Pilipinas. Nanalo
sa isang timpalak ang kanyang tulang Biyak-na-Bato
at hinirang siyang empleyado nito, tagasalin sa wikang Tagalog at tagasulat ng
talumpati. Itinaas siya bilang personal
na sekretaryo ni Quezon.
Sa
Senado, namulat siya “ upang makita ang mga alingasngas
at hindi makabayang landasin” ng mga
maka-Amerikanong pulitiko. Tulad din ng binanggit ng premyadong kwentistang si Dr.
Genoveva Edroza-Matute, nag-aklas ang mga guro sa lahat ng haiskul sa Maynila
dahil sa maka-impreyalistang “pagmamaliit
sa mga estudyanteng Pilipino”. Tinuligsa ito ni Ramos na sinundan niya ng
pagbibitiw bilang empleado ng Senado. Hindi magtatagal, tutuligsain din niya
ang Partido Nacionalista at si Quezon dahil sa mga patakarang laban sa kanyang
di-ikukumpromisong posturang makabayan.
Namnamin
ang liyab ng isang taludtod ng tula
niyang Ang Sigaw ng Api:
“Pagka’t kung ako ma’y
napipilan ngayon
at
sa lalong lungkot ay naipatapon,
ang
mga daing ko’y di mo mapuputol,
ang
mga sigaw ko ay di mauuntol,
ipangaw
man ako o iyong ibaon,
ang
kaisipan ko ay nagsasa-ibong
lilipad
sa lalong matayog na kahoy
at
sa aking Awit ang Baya’y babangon.
Maluwag
na tinanggap ang kanyang mga tula
sa mga pahina ng mga makabayang pahayagang tulad ng El Renacimiento, Ang
Democracia, Muling Pagsilang at
iba pa.
Bilang
tugon sa “hibik ng ordinaryong mga
Pilipino”, itinayo niya noong Oktubre 13, 1930 ang pahayagang Sakdal na ang kahulugan ay “pagkastigo sa
mga Pilipino at dayuhang yumuyurak sa kapakanan ng bansa”, ang ugat ng ideya ng
Sakdalismo. Ipinasara ito noong Disyembre 1931 ng pamahalaang Amerikano dahil nagkataong nag-alsa ang Tanggulan, isang maliit na pangkat ng
mga panatiko na naniniwala sa Sakdalismo.
Nang
magpatawag ng Kumbensyong Konstitusyonal para sa pagbuo ng Saligang Batas ng noo’y Pamahaalang Commonwealth , itinatag ni Benigno Ramos
ang Partido Sakdal . Nakapagpanalo
ang partido ng dalawang delegado na nanguna sa pagtutol at pagtuligsa sa mga
delegadong Pilipino at mga dayuhang ang ibinebenta sa bayan ay makakolonyal na impluwensiya sa edukasyon, ekonomiya at sa
pagpapanatili ng base militar ng mga Amerikano sa Pilipinas. Ang Partido
Nacionalista nina Presidente Quezon ang nanguna sa pagtatakda ng maka-Amerikanong mga probisyon sa Saligang
Batas.
Naglunsad ng kampanya ang pamahalaan ng isang plebesito para tanggapin ng sambayang Pilipino ang nabuong Saligang Batas ng Commonwealth. Nangampanya laban dito ang mga miyembro ng Partido Sakdalista kahit ipinahayag ng noo”y Gobernador Heneral Frank Murphy na ang pagkontra sa plebesito ay papatungan ng kasalanang sedisyon. Maraming nabilanggo sa mga kasapi ng partido ni Benigno Ramos.
Naglunsad ng kampanya ang pamahalaan ng isang plebesito para tanggapin ng sambayang Pilipino ang nabuong Saligang Batas ng Commonwealth. Nangampanya laban dito ang mga miyembro ng Partido Sakdalista kahit ipinahayag ng noo”y Gobernador Heneral Frank Murphy na ang pagkontra sa plebesito ay papatungan ng kasalanang sedisyon. Maraming nabilanggo sa mga kasapi ng partido ni Benigno Ramos.
Gayunman, ang marahas na pagsupil na ito sa
mga tutol sa mala-kolonyal na patakaran ng pamahalaan ang nagtulak sa
marami na magtatag ng mga radikal na
kilusan.
Nasa
bansang Hapon si Benigno Ramos noon .
Nag-alsa ang mga Sakdalista noong Mao 2,
1935. Kinabukasan ng tanghali, nasupil na ito ng Philippine Constabulary (
binubuo ng mga opisyal-militar na Amerikano at mga karaniwang sundalong
Pilipino). Ayon sa awtoridad, may 68,000 Sakdalista ang nag-alsa.
Ang
Tradisyon ng Paglaban sa mga Dayuhan
Isa
pang bayaning manunulat na mapagmahal sa bayan ang nag-alaga ng poot sa kolonyal
na ambisyon ng mga Amerikano sa Pilipinas. Siya si Crisanto Evangelista, isinilang
noong Nobyembre 1, 1888 sa Malhacan, Meycauayan, Bulacan at manunulat ng maapoy
na mga tula’t sanaysay. Sa maagang gulang, salaysay ni Dr. Vivencio R.
Jose sa kanyang manuskritong Crisanto
Evangelista and the Rise of the Working Class, may palatandaan na siya’y magiging mahusay na lider. Isang araw,
nagkasakit siya at hindi nakapasok sa kanyang mga klase. Sinundo siya ng mga kaklase isang hapon.
“Bakit
mga anak?” usisa ng kanyang inang si Feliciana Abano.
“Inutusan
po kami ng aming titser na kaunin si Anto para bukas ay meron kaming lider!”
Napangiti
sa kasiyahan ang ina ni Crisanto. “Sige, papasok siya bukas.”
Pumasok
si Crisanto sa klase kinabukasan at nagkaroon nga ng lider ang mga kaklase niya
sa isang proyekto nila sa klase.
Maralita
sina Crisanto—magsasaka sa hacienda roon ang kanyang ama (Florencio
Evangelista) at taong-bahay lamang ang kanyang ina (Feliciano Abano). Nakatapos
siya ng primarya sa Meycauayan at nagtiyaga
at nagtiis siya sa Maynila ng elementarya. Ayon sa isang babaing anak niya,
nakarating naman si Crisanto sa unang
baitang sa haiskul. Walang itutustos sa pagpapatuloy ng pag-aaral, pumasok siya
sa isang imprenta hanggang maging linotypist doon— trabahong higit lamang sa
minimum wage ngayon ang kinikita. Maibigin
sa pag-aaral, mahusay na sa Tagalog, tinuruan niya ang kanyang sarili na
makapagsulat sa wikang Kastila at Ingles. Sa pagbabasa ng mga manuskrito na
nililino-type niya, nalinang ang kanyang isip ng mga realidad ng panahon noon at ng mga kailangang gawin upang
malunasan ang kalagayan ng mga tulad niyang api.
“Ikaw
na nasunod sa atas ng iyong pinapanginoon
Kayong
yumuyukod at di nagkukuro sa habang panahon,
Akong
lumalasap ng pagkasiphayo at pagkaparool,
Tayong
lahat ngani, na binabagsakan ng pula’t linggatong,
Tayo
ang may likha, tayo ang may sala ng lahat ng iyon,
Pagka’t
kundi tayo napaaalipi’y walang panginoon.”
Nakilala
si Crisanto sa kanyang mga tagubilin sa mga manggagawa ukol sa kanilang mga
karapatan at katungkulan. Naging presidente siya ng Kapulungang Manggagawa ng
Pilipinas hanggang sa maging kinatawan siya ng sektor ng paggawa na kabilang sa
Independent Mission , kasama ang pangulo ng
Commonwealth na si Manuel L. Quezon.
Deklara
ni Quezon na samantalang ang mga kasamang delegado ay abala sa mga junket at
kung anu-anong lakad sa Amerika na di-kaugnay ng Independent Mission, “ sina
Anto at (Pedro) Abad Santos lamang ang nangangampanya pa marinig ng mga
Amerikano ang nais nating kalayaan!”
Gayunman,
hindi nagtagumpay ang Independent Mission sa pakay na makuha ang kalayaan ng Pilipinas. Sa
halip, nahalata ni Crisanto na ang mahalaga sa mga pulitiko ay hindi ang maging
malaya ang Pilipinas kundi ang manatili silang may kontrol ng pamahalaan sa ilalim ng kapangyarihan ng Estados
Unidos. Hindi isang ganap na kalayaan!
Sa
isang pang sinulat niyang “Itumpak Natin ang Paghuwad sa Kabayanihan ni Rizal”
tandisan niyang tinuligsa ang mga napasisilong sa mga Amerikano.
“Hindi
ako tumututol na imulat sa bayang Pilipino, sa kabataan ng ating lahi, ang
pagdakila sa Amerika. Ang bayang Amerika ay dakila, pagka’t dakila ang kanyang
simulain ng pagkabansa.
“Ang
tinututulan ko ay ang malabis na
pagdakila na sa kalabisa’y nauuwi na tuloy sa paglalangis xxx. Pagdakilang
pinakakahuluganan tuloy ng mga
imperyalistang Amerikano na tayo’y kusa nang napasasakop sa Amerika, kaya’t
sabihin man ng ilang pinunong mataas sa bayang iyan, na ‘ang Amerika ay ayaw na
sumakop sa kanya”, tayo naman ay namamalaging walang ginagawa kundi ang
pag-awit ng papuri at pagsuub ng kamanyang sa Amerikang iyan.”
Sa
pagtutol na iyan, na naging maapoy sa sumunod na mga dekada ang naghatid kay
Crisanto Evangelista sa radikal na pagkilos at paglaban sa pamahalaan.
Matutuklasan niyang ang dedikasyon niyang mapalaganap ang kanyang paninindigan
ang naging mitsa ng kanyang pagkakabilanggo sa pamamagitan ng desisyon ng Korte
Suprema. Sa sumunod na mga taon, ipatatapon siya sa Mountain Province
(Benguet), mahina, maysakit hanggang sa tanggapin niya ( at ng may labingsiyam
na kasama) ang pansamantalang pagpapatawad mula sa pamahalaan. Kailangan noon ang pagkakaisang prente para paghandaan
ang banta ng mga pasistang Hapones na
noo’y lantaran nang nagpapalawak ng sakop sa Malayong Silangang Asya.
Pinatay
ng mga Hapones noong Hunyo 2, 1942 si Crisanto Evangelista sa bilangguan sa
Intramuros, kahit maysakit at mahina ang katawan. Hindi nito tinanggap ang alok
ng mga Hapones na tumulong upang
payapain ang mga gerilyang ayaw pasakop sa mga dayuhan.
Tandaang
noong Rebolusyon ng ’96 (laban sa mga Kastila)
na umabot hanggang 1914 (laban sa mga Amerikano), isang heneral na dating
kasama ni Presidente Emilio Aguinaldo ng Unang Republika ng Pilipinas ang hindi
sumuko. Siya si Heneral Artemio Ricarte na nagtiis na manirahan sa Japan at
binuhay ang sarili sa pagtuturo ng wikang Kastila sa iilang estudyanteng
Hapones. Hindi niya isinuko ang paninindigang laban sa pataksil na pananakop
ng Estados Unidos sa Pilipinas. Tumanda
na siya sa Japan
at nang maggiyera, ibinalik siya sa Pilipinas ng mga Hapones para ipakita ang
isang dakilang rebolusyonaryo na laban sa pananakop ng mga Amerikano. Namatay
siya sa di matukoy na lugar sa Mountain
Province , biktima ng kanyang
paninindigan at pagmamahal sa sariling bayan.
Mga Biktima Pa ng Pagmamahal sa
Bayan
Kung
sina Marcelo de Pilar at Graciano Lopez Jaena ay uuwi sa Pilipinas pagkaraan ng mga taon ng pagsisikap na
kilalanin ng Espanya ang kakayahan nilang pamahalaan ang kanilang sariling lupain, ano
ang kanilang babalikan?
Kung
si Macario Sakay, na nagpatuloy sa
pakikilaban sa mga Amerikano pagkaraang madakip at manumpa ng katapatan sa
Estados Unidos si Heneral Emilio Aguinaldo ay susuko rin, paaano siya
matatandaan ng mga kabataan ngayon?
Kung
si Crisanto Evangelista, nang butuhan na sa pangangatawan dahil sa sakit na TB
ay tumigil sa ilang dekadang
pakikipaglaban sa kolonyal na pamahalaan at hindi sumama sa prenteng
naghahandang humadlang sa pagsalakay ng mga pasistang Hapones, isusulat ba ang
kanyang kasaysayan?
Gayundin
si Benigno Ramos, ang makatang mandirigma, ang
walang pagod sa pagsulat ng mga
tulang naglalaman ng kanyang pagmamahal sa bayan at paghagupit sa mga
kababayang hawak-hawak sa ilong ng kolonyal na mga dayuhan .
Hindi
pa rin nalilimot ang kanyang kahalagahan. Kinolekta ni Julian Cruz Balmaceda
ang marami na niyang tula
at pinapurihan ang mga katangian nito.
Ngayon, sa masusing pag-aaral ni Propesor Luis Camara Dery, tinuklas,
sinuri at tinimbang pa niya ang higit na
maraming tula
ni Benigno Ramos. Ang ipinataw na
kasalanang pagtataksil sa bayan sa
makatang mandirigma ay parusang pulitikal, husga ng mga taong hindi naghalukay
sa mga liha at hiwa ng kanyang mga tula, hindi dininig ang mga tono at taginting ng kanyang mga salita,
hindi sumisid sa lalim ng kanyang diwa.
“Mano
namang marinig mo ang lahat kong mga daing
Mano
namang ang tinig ko sa puso mo’y makagising
ang
berdugo ng buhay mo’y di ba’t narito rin
ang
anak ng mga Hudas ang sa iyo’y maglilibing
masawi
man ako ngayo’y malugod kong tatanggapin
kung
sa likod naman nito’y babangon ka, Bayang giliw.”#